Ilang grupo ng Grab drivers, dumipensa laban sa mga reklamo sa kanilang serbisyo

by Radyo La Verdad | April 26, 2018 (Thursday) | 4273

Dahil sa dumaraming reklamo ng mga pasahero laban sa mga Grab drivers kaugnay ng ride cancellation, matagal na pag-pick up ng pasahero at mataas na pamasahe; nakipagdayalogo kahapon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa ilang grupo ng Grab drivers upang alamin ang kanilang panig.

Depensa ng mga driver, may mga pagkakataon na napipilitan silang i-cancel ang ride-booking dahil pinaghihintay sila ng matagal ng mga pasahero pagdating nila sa pick-up point.

May mga pasahero rin anila ang nagpapasundo sa mga lugar na hindi kayang pasukin ng kanilang sasakyan.

May pagkakataon rin anila na naiipit sila sa sobrang trapik.

Nakiusap naman ang mga Grab driver sa LTFRB na ibalik ang two peso per minute travel time charge upang makabawi sila sa kita.

Sa iprinisintang datos ng isang grupo ng TNVS drivers, lumabas na umaabot na lamang sa mahigit anim na raang piso ang naiuuwi ng isang driver sa loob ng sampung oras na pamamasada.

Bunsod ito ng mataas na presyo ng produktong petrolyo at ibang pang operational expenses.

Samantala, tinutulan naman ng ilang Grab drivers ang ipatutupad na masking destination feature ng Grab PH dahil sa posibleng banta nito sa kanilang seguridad.
 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,