Ilang fish pen sa La Union, hindi pa binabaklas

by Radyo La Verdad | September 14, 2018 (Friday) | 2595

Ilang araw bago pa pumasok sa bansa ang Bagyong Ompong ay nag-ani na ng kanilang mga pananim na gulay at palay ang marami nating mga kababayan. Dahil ito sa pangamba na mapinsala at hindi na mapakinabangan ang mga ito.

Ngunit ang ilang mga fish pen owner sa La Union, nagpasya na huwag na munang hulihin ang kanilang alagang bangus kahit pa may banta ng pananalasa ang Bagyong Ompong.

Kahapon, nadatnan ng UNTV News Team sa Barangay Alaska, Aringay La Union si Mang Mario Padilla na inaayos ang kanyang palaisdaan bilang paghahanda sa bagyo.

Naglalaman ang fish pen ni Mang Mario ng 17,000 na maliliit na bangus at sa buwan pa ng Pebrero ng susunod na taon ito maaring anihin.

Sakaling i-harvest man ito ngayon ay hindi rin mapapakinabangan. Mahigpit na lang aniyang babantayan ang mga ito sakaling manalasa nga ang Bagyong Ompong.

Samantala, naghanda na rin sa bagyo ang iba pang mga residente sa Brgy. Alaska.

Itinali at nilagyan na ng sako-sakong buhangin ang mga bubong ng bahay upang huwag tangayin ng malakas na hangin ang kanilang mga yero.

Handa rin ang Disaster Risk Reduction and Management Office (DDRMO) sa paglilikas ng mga residente sakali manalasa sa lugar si Typhoon Ompong.

Mayroong nang nakahandang 200 relief packs ang Disaster Management Office para sa 200 pamilya.

Tinatayang nasa 100 pamilya ang maaring naapektuhang sa lugar dahil malapit sa dagat ang mga bahay.

 

( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )

Tags: , ,