Balik sesyon na sa susunod na linggo ang Kongreso.
Sa kabila nito, nanganganib na hindi umusad sa mataas na kapulungan ng Kongreso ang panukalang package 2 ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law o mas kilala sa tawag na Trabaho bill.
Sa halip, ayon kay Senate President Vicente Sotto III, isusulong niya ang kaniyang sariling bersyon na hindi mag-aalala ang ibang industriya na agad na mawawalan ng tax incentives.
Agad ding ibababa ang corporate tax sa 25 percent mula sa 30 percent sa oras na makapasa ang panukala.
Sa ilalim ng Trabaho bill ng administrasyon, may panganib na maalisan ng insentibo ang ilang industriya at unti-unti rin ang pagbababa ng corporate tax.
Iba naman ang nakikitang alternatibo ni Senator Joel Villanueva. Nais ng senador ng reporma sa value added tax o VAT system ng bansa, kung saan ibababa ang VAT rate sa10% mula sa 12%.
Kapag naibaba aniya ang VAT, posibleng makatipid ng 1,252 pesos ang isang pamilya kada buwan.
Samantala, ayon sa Senate President, hindi pa tiyak kung matutuloy ang desisyon ng Malakanyang na suspindihin ang implementasyon ng excise tax sa produktong petrolyo sa ilalim ng TRAIN 1.
Sa mga susunod na araw aniya ay posibleng ipakita ng economic managers ang malaking pakinabang ng Train 1 sa ekonomiya ng bansa.
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )
Tags: Senado, tax reform package