Ilang bahagi ng Marcos Highway, 8 buwan na isasara sa mga motorista

by Radyo La Verdad | February 26, 2018 (Monday) | 3348

Inabisuhan ng Metropolitan Manila Development Auhtority o MMDA ang mga motoristang dumadaan sa Marcos Highway sa Pasig City na asahan na ang lalo pang pagbigat ng trapiko sa loob ng susunod na mga araw.

Ito’y dahil inumpisahan na ng private contractor na DMCI ang paglalagay ng mga coping beam sa ilang lugar ng naturang kalsada na bahagi ng itinatayong expansion project ng LRT Line 2.

Kahapon sinimulan na ng MMDA ang pagpapatupad ng road closure sa naturang kalsada na inaasahang tatagal hanggang sa buwan ng Oktubre.

Ayon sa MMDA, magiging salitan ang pagsasara ng mga kalasada sa Marcos Highway, depende kung saan ipupuwesto ng mga contractor ang kanilang mga equipment at pagtatayo ng mga beam.

Isasara ang ilang bahagi ng Marcos Highway simula alas onse ng gabi hanggang alas kwatro ng umaga tuwing araw ng Linggo hanggang Huwebes. Habang iiral naman ang road closure tuwing Biyernes ng alas dose ng hatinggabi hanggang alas singko ng umaga ng Sabado.

Tiniyak naman ng MMDA na magiging istrikto sila sa pagpapatupad ng road closure, habang sisikapin naman ng kontraktor na masunod ang schedule upang hindi labis na maapektuhan ang trapiko sa lugar.

Sa datos ng MMDA, nasa mahigit isang daang libong mga sasakyan ang araw-araw na dumadaan sa Marcos Highway.

Pinapayuhan naman ang mga morotorista na maaring dumaan sa Sumulong Highway, Ortigas Extension, Marikina at Sta.Lucia bilang mga alternatibong ruta.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,