Isang panibagong reklamo ang inihain ng Public Attorney’s Office (PAO) sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng kontrobersiya sa Dengvaxia.
Kaugnay ito ng pagkamatay ng trese-anyos na si Jansyn Art Bataan ng Brgy. 177, Camarin, Caloocan City, Namatay si Jansyn Nitong Enero, dalawang buwan matapos maturukan ng Dengvaxia.
Ayon sa tatay ng biktima, November 29 ng gabi noong nakaraang taon nang magkwento ang kanyang anak na binakunahan ito ng dengvaxia sa kanilang eskwelahan.
Ang masaklap, wala itong pahintulot sa kanilang mag-asawa. Makalipas ang ilang araw, nagsimula na umanong magkasakit ang binatilyo. Namatay ito sa loob ng dalawampu’t apat na oras matapos isugod sa ospital.
Batay sa kanilang pagsusuri, kumbinsido ang forensic team ng PAO na Dengvaxia ang dahilan kaya nagkasakit at namatay ang biktima. Mahigit tatlumpung indibidwal ang nais ng PAO na makasuhan ng reckless imprudence resulting to homicide at paglabag sa Anti-Torture Act dahil dito, kasama na sina Health Sec. Francisco Duque at dating Sec. Janette Garin.
Paliwanag ni Acosta, dawit sa kaso si Duque dahil nabakunahan ang bata sa panahon ng panunungkulan nito.
Dawit din sa reklamo ang iba pang mga opisyal ng DOH at mga opisyal ng Sanofi Pasteur at Zuellig Pharma.
Ito na ang ikaanim na kasong kriminal na inihain ng pao kaugnay ng kontrobersiya sa Dengvaxia.
Muli namang nanawagan ang mga magulang ng mga batang biktima ng Dengvaxia na magbitiw na sa pwesto si Duque.
( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )