Ika-155 taon ng kapanganakan ni Andres Bonifacio, ipinagdiriwang ngayong araw

by Radyo La Verdad | November 30, 2018 (Friday) | 3897

Kilala pa rin ng mga kabataan sa ngayon si Gat Andres Bonifacio dahil ayon sa isang historyador, itinuturo pa rin naman sa mga paaralan ang kanyang ambag sa ating kasaysayan.

Ngunit may misconceptions o mga maling pagkakilala lang ang iba sa tinaguriang Supremo ng Katipunan.

Ngayong araw, ipinagdiriwang ang ika-isandaan at limampu’t limang taon ng kaniyang kapanganakan, isang regular holiday sa bansa.

Ayon kay John Ray Ramos, isang historyador at guro ng kasaysayan sa FEU Diliman, panahon na upang ituwid ang pagkakilala sa pambansang bayani.

Ayon kay Ramos, bago maging rebolusyonaryo, isang intelektwal si Bonifacio, aktor sa teatro at manunulat. Nagtrabaho din ito sa isang dayuhang kumpanya sa Binondo at Tutuban.

May kaisipan din aniya si Bonifacio na humubog sa katipunan na lumaban sa Kastila at naglayong bumuo ng isang bansa.

Pinabulaanan pa ng historyador ang ilang maling pagkakilala kay Bonifacio na siya ay mahirap, walang pinag-aralan, walang alam sa pakikidigma, mainitin ang ulo at bobo. Si Bonifacio aniya ay mula sa isang may-kayang pamilya.

Naging empleyado ng pamahalaan ang ama at supervisor ng pabrika ng tabako ang kaniyang ina.

Nakapag-aral si Bonifacio sa Tondo, marunong magbasa at magsulat ng Kastila. Hindi rin aniya totoo na walang alam sa istratehiya at walang naipanalong laban si Bonifacio dahil hindi naman siya tactical officer sa labanan kundi overall commander ng puwersa ng katipunan.

Katunayan, ito ang namuno sa unang bahagi ng himagsikan laban sa Espanya noong Agosto 1896. Hinimok din ni Ramos ang publiko na matuto sa buhay at mga isinulat ni Bonifacio.

 

( Cathy Maglalang / UNTV Correspondent )

Tags: , ,