IATF, posibleng magdesisyon ngayong araw kung palalawigin o hindi ang Luzon quarantine

by Radyo La Verdad | April 6, 2020 (Monday) | 19714

Posibleng maglabas na ngayong araw ang Interagency Task Force on Emerging Infectious Diseases ng kanilang rekomendasyon kung palalawigin o tatapusin na ang umiiral na Enhanced Community Quarantine sa Luzon region.

Sa isang panayam kahapon, April 5, 2020, sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na  ibabatay sa scientific data ang kanilang rekomendasyon. Kabilang dito ang epidemiological trend, kapasidad ng health system ng bansa gayundin ang social, economic at security concerns.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson at Chief Legal Counsel Secretary Salvador Panelo, kasalukuyang pinag-aaralan ni Pangulong Duterte kung ano ang susunod nitong magiging hakbang kaugnay ng ECQ.

Kasunod ito ng pagsuporta ng ilang medical experts, negosyante, ibang opisyal ng pamahalaan sa pagpapalawig ng ECQ ng dalawa pang linggo upang tuluyang maresolba ang krisis sa kalusugan dahil sa COVID-19.

Tags: , , ,