Panibagong motion for issuance of Hold Departure Order (HDO) ang inihain ng Department of Justice (DOJ) sa iba pang korte laban kay Senador Antonio Trillanes IV.
Matatandaang ito’y matapos mabigo ang DOJ na pigilang makaalis ng bansa si Trillanes nang pansamantalang i-lift itong HDO ni Judge Elmo Alameda ng Makati RTC Branch 150 at makabiyahe sa Europa at Estados Unidos ang senador.
Sabi ni DOJ Secretary Menardo Guevarra, bukas ay nakatakdang magkaroon ng pagdinig sa Davao Regional Trial Court hinggil sa kasong libelo laban kay Trillanes.
Hindi tinukoy ni Guevarra kung saang spesipikong korte nila inihain itong panibagong mosyon na HDO, ngunit iginiit nitong wala itong koneksyon sa kasong rebelyon at kudeta ng senador.
Bukod dito, ipinarerepaso rin ng DOJ sa Makati Court ang desisyon nito na payagang makabiyahe si Trillanes.
Wala naman daw bagong argumento ang Justice Department hinggil sa naturang mosyon ngunit iginiit nito na ito ang standard operating procedure (SOP) at hindi nagkataon ang pag-file nito.
( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )