Hinihinalang notoryus na holdaper patay sa pamamaril sa Quezon city

by Radyo La Verdad | October 28, 2015 (Wednesday) | 1391

REYNANTE_PATAY
Isang bente syete anyos na lalaki ang natagpuang wala nang buhay matapos pagbabarilin sa Nenita St. Brgy. Gulod, Novaliches sa Quezon city pasado alas dose ng madaling araw.

Kinilala ang biktima sa si Charles Lester Demafelix alyas “Lester Monyo” na kilalang notoryus na holdaper sa lugar.

Tadtad ng tama ng bala ng baril sa ulo at dibdib ang biktima matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga armadong suspek.

Narekober naman ng mga otoridad sa crime scene ang sampung bala mula sa kalibre 45 at 9mm na baril.

Ayon sa kapatid ng biktima nakarinig na lang sila ng mga putok ng baril mula sa labas at nakita nilang may nakamotorsiklo na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril.

May isa ring natamaan ng bala na kinilalang alyas Carlo ang isinugod sa hospital na kasama ni Lester.

Dagdag pa ng kapatid ng biktima maraming nakaaway si lester dahil sa mga gulong kinasangkutan nito sa kanilang lugar.

Sa ngayon ay inaalam na ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek at tinitingnan na din kung may cctv na malapit sa pinangyarihan ng krimen na makakatulong sa kanilang imbestigasyon.(Reynante Ponte/UNTV Radio Correspondent)

Tags: , , ,