Hindi wastong paggamit ng teknolohiya, nakaaapekto sa pag-uugali ng tao – Turkish NGO

by Radyo La Verdad | May 25, 2022 (Wednesday) | 246

Maituturing na isang uri ng adiksyon ang hindi mapigil at hindi wastong paggamit ng internet at gadget.

Maaari natin itong maobserbahan kapag ang isang tao ay nakararanas ng addictive sub-behaviors gaya ng behavioral addictions, internet gaming disorders at labis na paggamit ng social media at smartphones ayon sa Anadolu Agency mula sa Green Crescent Organization ng Turkey.

May iba’t ibang problemang dulot ang adiksyon sa paggamit ng teknolohiya. Kabilang dito ang epekto nitong pisikal kagaya ng pagsakit ng mata, pananakit at paninigas ng mga kalamnan sa leeg, pamamanhid ng mga kamay at hindi maayos na tindig ng katawan.

Nababawasan din ang pagiging aktibo ng katawan sa mga pampisikal na gawain, at iba pang mga social complaint tulad ng low academic achievement, suliraning personal at pampamilya, sleep disorders, pag-iwas sa tao at hindi wastong paggamit ng oras.

Upang maitama ang nakasanayang ito, inirekomenda ng Green Crescent Organization na limitahan sa 120 minuto ang pagbabad sa screen ng taong may edad 12 pataas.

Ayon sa Turkish NGO, dapat ilayo sa screen ang mga sanggol at batang may edad 3 taon pababa. Para sa mga batang edad 3-6 na taong gulang, hindi rin nararapat na humigit ng 30 minuto ang paggamit ng mga ito. 50 minuto naman sa mga edad 6-9 na taong gulang, at 70 minuto para sa may edad 9-12 taon.

Ipinapayo rin sa mga pamilya na hikayatin ang kanilang mga anak na makipagkita sa mga kaibigan nito sa natural na kapaligiran. Nararapat ang pagdidisiplina para maiwasan ang pagkalibang sa smartphones at tablets.

Ito ay upang maiwasto ang hindi tamang paggamit ng mga ito at maiwasang humantong sa malalang epekto gaya ng pagkalulong ng isang tao o adiksyon. Para ito sa ikabubuti, hindi lamang ng isang indibiduwal, kundi pati na rin ng mga taong nakapaligid sa kaniya.
(Jomar Flores | La Verdad Correspondent)

Tags: