Hiling na taas pasahe ng transport groups, kinuwestyon ng LTFRB dahil sa natuklasang undercharging sa mga pasahero

by Radyo La Verdad | June 8, 2018 (Friday) | 3965

Sorpresang ininspeksyon ng ilang opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga jeep at UV Express na naka-terminal sa isang mall sa Fairview, Quezon City.

Dito natuklasan ng ahensya na may ilang grupo ng UV Express drivers na may rutang Fairview hanggang North Avenue ang naninigil umano ng mas mababang pasahe.

25 piso lamang umano ang sinisingil ng mga driver sa mga pasahero na dapat sana ay 35 piso.

Napag-alaman ng LTFRB na mayroon umanong dalawang grupo ng UV Express van na magkakompitensya sa naturang terminal.

Paliwanag ng isang grupo, nakapromo umano ang kanilang pamasahe upang mahikayat ang mga pasahero na sa kanila sumakay.

Bukod sa mga UV Express, isang grupo rin ng mga jeepney driver na biyaheng Norzagaray, Bulacan ang naninigil ng mas mababang pasahe.

Paliwanag ni LTFRB board member Attorney Aileen Lizada, ipinagbabawal ang undercharging o ang paninigil ng pasahe na mas mababa at hindi naayon sa inaprubahang fare matrix.

Dahil sa kanilang natuklasan, muling pag-iisipan ng LTFRB kung aaprubahan pa nila ang hiling na dagdag pasahe ng mga transport group.

Ang sinomang mahuhuling nag-uuncercharging ay pagmumultahin ng limang libong pisong multa para sa unang paglabag. Sampung libong piso sa ikalawang offense, habang 15 libo at kanselasyon ng prangkisa naman ang katumbas ng ikatlong paglabag.

Sa muling pagdinig ng LTFRB sa hiling na dagdag pasahe, tiniyak ng mga ito na bubusiing mabuti ng board ang mga batayang ipiprisinta ng mga transport group.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,