Higit 2,000 pamilya, apektado ng pagbaha sa 6 na bayan sa Maguindanao

by Radyo La Verdad | August 6, 2015 (Thursday) | 1616

MAGUINDANAO
Nagtitiis ngayon sa baha ang maraming residente sa Maguindanao dahil sa mga pag-ulang dala ng Southwest Monsoon o hanging habagat.

Sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, nasa dalawang libong pamilya o katumbas ng anim na libong residente ang apektado ng baha sa anim na bayan; kabilang na dito ang Sultan-sa-Barongis, Datu Piang, Datu Salibo, Shariff Saydona, Mamasapano at Rajah Buayan.

Pinaka-naapektuhan ng pagbaha ay ang bayan ng Mamasapano kung saan umapaw ang mga ilog na nagpalubog sa maraming palayan at taniman ng mga mais.

Daing ng mga residente sa Mamasapano na sana ay matulungan sila ng pamahalaan dahil hindi na nila mapapakinabangan ang mga nasira nilang mga pananim.

Ayon sa mga residente, ganito ang nangyayari sa kanilang lugar bawat taon ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay nabibigyan sila ng tulong.

Sa kabila naman ng baha ay hindi pa lumilikas ang mga residente dahil tinataya pa nila ang magiging lagay ng panahon.

Sinabi rin ng MDRRMO na wala pa silang ipinatutupad na pre-emptive evacuation bagamat may nakahanda naman silang shelters gaya ng Mamasapano gym na maaaring mag-accommodate ng nasa 500 hanggang 600 indibidwal.

Tiniyak rin nila na may inihahanda silang tulong para sa mga apektado ng pagbaha.

Wala namang napaulat na nasawi o nasaktan sa baha sa Maguindanao.

Tags: