Hidilyn Diaz, paghahandaan ang 2020 Olympics

by Radyo La Verdad | August 29, 2018 (Wednesday) | 5200

Sinalubong ng kanyang pamilya, ilang opisyal ng Philippine Air Force at Philippine Olympic Committee si Champion Weightlifter Hidilyn Diaz sa kanyang pagbabalik bansa kagabi mula sa Jakarta, Indonesia. Ito ay matapos ang matagumpay na kampanya nito sa 2018 Asian Games.

Nakuha ni Hidilyn ang unang ginto ng bansa sa palaro nang magwagi ito sa “The Women’s 53-kilogram weightlifting event”.

Kasama rin nito na dumating sa bansa ang tatlo pang lady golfer na nakakuha rin para sa bansa ng dalawa pang gintong medalya sa isang indibidwal at team event.

Ayon kay Hidilyn, masaya siya na masungkit ang ginto para sa bansa na siya umanong pangarap ng lahat ng mga atleta.

Pagkatapos ng Asian Games, isa na namang malaking sports event ang paghahandaan ng atleta, ang 2020 Tokyo Olympics.

Ayon kay Hidilyn, bukod sa pagiging atleta at pagiging myembro ng Philippine Air Force ay nais niya ring magkaroon ng sariling negosyo, ngunit hindi pa aniya ito magagawa ngayon dahil sa paghahanda sa nalalapit na olympics.

Unang gumawa ng kasaysayan si Hidilyn matapos na makakuha ng silver medal sa 53-kilogram women’s weighlifting event noong 2016 Rio Olympics sa Brazil.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,