Heightened surveillance sa mga biyahero galing China, ipinatutupad

by Radyo La Verdad | January 3, 2023 (Tuesday) | 16380

METRO MANILA – Pinaigting na ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPI) ang monitoring sa kanilang mga pasyente lalo na ang mga may travel history sa China.

Alinsunod ito sa inilabas na memorandum number 2022-0578 ng Department of Health (DOH) noong December 31, 2022 kung saan iniutos ang pagpapatupad ng heightened surveillance sa lahat ng mga biyaherong darating sa bansa lalo na ang mga manggagaling ng China.

Sa gitna ito ng nararanasang matinding COVID-19 surge sa East Asian country.

Nagbigay ng direktiba ang DOH sa mga ahensya na paigtingin ang koordinasyon at implementasyon ng border control protocols.

Kabilang sa protocols ang heightened surveillance sa lahat ng respiratory symptoms ng mga biyahero, pag-uulat ng symptomatic passengers at COVID-positive travelers sa arrival screening.

Pinaghahanda na rin ang mga airport at seaport terminal authorities sa posibilidad na maibalik ang testing sa inbound travelers mula sa high-alert countries.

Ayon naman sa presidente ng PHAPI na si Dr. Jose De Grano, handa ang mga ospital sa pagtanggap ng mga pasyente sakaling muling tumaas ang COVID-19 cases sa bansa.

Dagdag pa nito, sa kasalukuyan, nasa low risk pa rin ang hospital utilization rates at mga highly vulnerable, elderly at may comorbidities ang karamihang mga naka-admit sa mga ospital.

Kaugnay pa rin ng posibilidad na muling tumaas ang COVID-19 cases sa Pilipinas, ipinag-utos na ng DOH sa lahat ng Centers for Health Development sa bansa ang estriktong pagpapatupad ng minimum public health standards.

Paiigtingin din ang testing at isolation protocols. Pinaghahanda na rin ang augmentation ng resources lalo na ang telemedicine providers.

(Bernadette Tinoy | UNTV News)

Tags: , ,