Guwardiya na kasabwat umano ng mga preso sa pagpapasok ng mga kontrabando sa NBP, pinaiimbestigahan ni Sen. Marcos

by Radyo La Verdad | December 9, 2015 (Wednesday) | 2804

bryan_,marcos
Pinaiimbestigahan at dapat na makasuhan ang mga gwardya na umano’y nakikipagsabwatan sa mga preso ng New Bilibid Prison upang maipasok ang iba’t-ibang kontrabando gaya ng appliances, cellphone, electronic gadgets, droga at iba pa.

Ito ang ipinahayag ni Senator Bongbong Marcos Jr. matapos muling i-raid ang NBP kung saan natuklasan ang mga kontrabandong ito kabilang pa ang mga matataas na kalibre ng baril at iba pang sandata.

Pahayag ng senador, paano umano matatakot makulong ang mga drug lord at kriminal kung sa loob ng preso ay magaan pa rin ang kanilang buhay at naitutuloy pa rin ang mga iligal na gawain ng mga ito.

Hindi na umano maikakailang may nagaganap talagang sabtawan sa loob ng bilibid dahil ayon sa ulat ay natagpuan ang marami sa mga kontrabando ay mula mismo sa ilang gwardya ng NBP.

“Dapat silang maimbestigahan at sampahan agad ng kaso kung may ebidensya na kasabwat sila ng mga bilanggo,” ani Marcos.

Sa kabila nito pinuri naman ng senador ang Bureau of Corrections sa pagpupursige nitong isagawa ang mga “Oplan Galugad” sa compound ng NBP.

Dagdag ng senador na huwag tumigil ang mga otoridad ng BuCor hanggang hindi naipapatigil ng tuluyan ang sabwatan ng mga gwardya at mga bilanggo.

(Meryll Lopez/UNTV Radio Reporter)

Tags: , , ,