Grupong Piston, nais ding mag-rehabilitate ng jeep na ipantatapat sa modernong jeep na isinusulong ng pamahalaan

by Radyo La Verdad | June 26, 2018 (Tuesday) | 1732

Matapos mapanuod sa programang Get it Straight with Daniel Razon ang presentasyon ng Stop and Go Transport Coalition sa ni-rehabilitate nilang jeep; nais ng grupong Piston na gumawa rin ng sarili nilang bersyon nito.

Ayon sa presidente ng Piston na si George San Mateo, ang ginawa ng Stop and Go Transport Coalition ay patunay na posibleng i-rehabilitate ang mga lumang jeep sa halip na bumili ng bago at mas mahal na unit.

Subalit nangangamba si San Mateo na baka hindi aprubahan ng Department of Transportation (DOTr) ang ire-rehab nilang jeep at mauwi sa wala ang kanilang gagastusin.

Aminado naman si LTFRB Board Member Aileen Lizada na nais nilang mapalitan ang mga lumang pampublikong sasakyan.

Ayon kay Lizada, ito’y upang maiwasan na ang mga aksidente na kadalasang kinasasangkutan ng mga luma o nirehabilitate na mga sasakyan.

Pinabulaanan naman ng LTFRB ang pahayag ng Piston na negosyo lamang ang nais ng gobyerno sa isinusulong na PUV modernization.

Depensa ni Lizada, lilikha ito ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino lalo’t mga local car manufacturer ang gagawa ng mga modernong jeep.

Kahapon muli na namang nagprotesta at tigil-pasada ang Piston upang tutulan ang isinusulong na jeepney modernization.

Sa kabila ng kaliwa’t kanang protesta, pursigido pa rin ang DOTr na ituloy ang modernisasyon kung saan ay nasa 500 modernong unit ng mga jeep ang inaasahang mailulunsad bago ikatlong ang State of the Nation Adress (SONA) ni Pangulong Duterte sa Hulyo.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,