Nagprotesta ang grupo ng mga kabataan at estudyante upang ipahayag ang kanilang patutol sa desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng EDCA o ang Enhanced Defense Cooperation Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Nagmartsa mula Korte Suprema ang grupo at nagsagawa ng kilos protesta sa harap ng embahada ng Estados Unidos sa Maynila.
Tutol sila sa desisyon ng Supreme Court na isang executive agreement lamang ang EDCA at ito ay pagpapatupad lamang ng mga naunang kasunduan – ang visiting forces agreement at ang mutual defense treaty.
Wala naman anilang binabanggit sa dalawang kasunduang ito na maaaring magtayo ng pasilidad ang amerika sa mga agreed location gaya ng nakalagay sa EDCA.
Hindi rin anila totoo na sa pamamagitan ng EDCA at alyansa militar sa Estados Unidos ay mapapalakas ang kakayahan ng ating santadahang lakas upang magtanggol sa ating teritoryo.
Kung pagbubutihin lamang anila ng pamahalaan ang paghahanda sa kalamidad, hindi na kakailanganin na mga sundalong amerikano pa ang sasaklolo sa mga biktima gaya nang manalasa ang bagyong yolanda.
Lalong hindi rin anila dapat asahan ng gobyerno na ipagtatanggol tayo ng Estados Unidos laban sa China kaugnay ng alitan sa West Philippine Sea.
Nito lamang Nobyembre, muling pinagtibay ng Estados Unidos at China ang kasunduan sa palitan ng armas nukleyar na sinundan pa ng joint military exercise sa pagitan ng dalawang bansa.
(Roderic Mendoza/UNTV News)
Tags: EDCA, kilos protesta s, Korte Suprema