Grupo ng mga establishment owner sa Boracay, dismayado sa ‘di pagbanggit ng reopening ng Boracay Island sa SONA ng Pangulo

by Radyo La Verdad | July 24, 2018 (Tuesday) | 3574

Dismayado ang ilang mga taga Boracay sa naging State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Binanggit man anila ang Boracay sa SONA kahapon, hindi naman binaggit kung kailan ang official date ng pagbubukas ng Boracay Island sa mga turista.

Ayon kay Nenette Graf, presidente ng Boracay Foundation Incorporated na grupo ng mga establishments owners dito, ito ang isa sa inaabangan nila na banggitin ng Pangulo.

Ayon kay Graf, sang-ayon naman ito sa paghimok ng Pangulo sa mga local government units na ipatupad ng maigi ang mga batas sa kani-kanilang lugar.

Maglalabas din aniya ng official statement ang kanilang grupo hinggil sa kanilang mga sentimyento tungkol sa ginagawang rehabilitasyon ng pamahalaan sa Boracay.

Samantala, nais din ng mga taga Boracay na sana ay mapabilis ang ginagawang rehabilitasyon sa isla upang maibalik na sa normal ang kanilang pamumuhay.

Binanggit din kahapon ng Pangulo na ang nangyaring pagkasira ng Boracay Island ay naging daan upang simulan ang rehabilitation efforts sa isla na ayon sa Pangulo sa kaniyang SONA ay “long overdue” na.

Sinabi rin ng Pangulo na ang ginagawang rehabilitation efforts sa Boracay ay simula lamang ng national effort ng pamahalaan kung saan isusunod din ang iba pang mga tourist destination sa bansa.

Matatandaan na noong ika-26 ng Abril ay isinara ang Boracay matapos makumpirma ng DENR ang sari-saring paglabag sa environmental laws at upang bigyang daan ang pagsasa-ayos sa isla.

Hinimok naman ng Pangulo ang mga local government units na ipatupad ng maigi ang mga batas at huwag nang antayin na ang national government pa mismo ang pupunta sa isang lugar upang ipatupad ang mga batas sa isang lugar.

 

( Vincent Arboleda / UNTV Correspondent )

Tags: , ,