Ground zero ng landslide sa City of Naga sa Cebu, planong gawing memorial ground

by Radyo La Verdad | October 2, 2018 (Tuesday) | 4424

Magdadalawang linggo na mula nang mangyari ang landslide sa Sitio Sindulan, Brgy. Tinaan sa City of Naga, Cebu. Nasa pitumpu’t pito na ang naitalang nasawi at walo ang patuloy pa ring pinaghahanap.

Sa ngayon ay tuloy-tuloy pa rin ang isinasagawang search and retrieval operation ng mga responder.

Ngunit sa Huwebes ay magkakaroon ng assessment ang mga grupong nagsasagawa ng operasyon upang pag-usapan kung kailangan na ba itong itigil, lalo na’t tinitingnan din anila ang kaligtasan ng mga rescuer dahil sa posibilidad ng muling pagkakaroon ng pagguho.

Dahil sa insidente, tinitingnan ng lokal na pamahalaan ng City of Naga na gawing memorial ground ang nasabing lugar o ang ground zero.

Ayon kay City of Naga Mayor Kristine Chiong, magsisilbi na rin itong marker na isang critical o danger zone ang lugar upang hindi na balikan ng mga tao.

Samantala, naglilibot sa ilang mga barangay ang mga kinatawan ng City Government sa mga itinuturong critical zone ng Mines Geosciences Bureau (MGB). Ito ay upang matukoy ang mga pamilyang dapat ma-irelocate.

Bukas ay inaasahang bibisita sa City of Naga si Cebu Governor Hilario Davide III at ilang mga kinatawan ng National Housing Authority (NHA) upang tingnan ang Balili property na planong gawing relocation site na inirekomenda ng MGB

 

( Gladys Toabi / UNTV Correspondent )

Tags: , ,