Gov’t agencies na idinadawit ni Sen. Pacquiao sa katiwalian, inutusang makipagtulungan sa imbestigasyon

by Erika Endraca | July 2, 2021 (Friday) | 3573

METRO MANILA – Naghihintay si Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na aksyon ni Senador Manny Pacquiao kaugnay ng mga alegasyon nito ng katiwalian sa mga tanggapan ng gobyerno.

Inutusan naman ng presidente ang mga government agencies na idinadawit sa korupsyon ng senador na makipagtulungan sa mga gagawing imbestigasyon.

“Well, I will tell everybody that kung minention sila ni Pacquiao na may corruption that they should cooperate 100 percent.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Gayunman, giit naman ng punong ehekutibo, dapat mapatunayan ni Pacquiao ang kaniyang mga alegasyon.

Aniya, hindi rin dapat maging pala-absent ang mambabatas sa senado.

“Siya ‘yong may sabi may corruption so it is his burden to identify the office and failing to do it, failing to prove his case na may corruption, eh mahirap talaga itong…you know, when you are a champion in boxing, it does not mean to say that you are a champion in politics. magtrabaho ka, hiningi mo ‘yan, nandiyan ‘yong mga papel, start investigating. Do not go elsewhere. Comply first with your duty as a senator. Tapusin mo ‘yan, nandiyan ‘yong mga papeles. Huwag kang pa-absent-absent.” ani Pangulong Rodrigo Duterte

Bukod dito, nagpatutsada rin ang Pangulo sa boxing career ng mambabatas.

“You know, he has a scheduled fight but suddenly nag-back out. Probably he knows that he is too old for that. And failing in his boxing career, kung matalo siya, he is a goner, actually. Kailangan manalo siya, ‘pag natalo siya…” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isa namang pahayag, sinabi ni Senador Pacquiao na tuloy ang kaniyang pag-alis sa bansa ngayong weekend para sa isang boxing match.

Samantala, inamin ng Presidente ang dahilan kung bakit niya nababanggit na open siyang tumakbo sa pagka-bise presidente sa 2022 elections.

Political posturing lang aniya ito lalo na’t wala ng isang taon ang nalalabi sa kaniyang termino.

“Posturing yan, political posturing so they would not treat you badly kasi paalis na ako.” ani
Pangulong Rodrigo Duterte.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,