Formulary Executive Council ng DOH, itinangging aprubado nila ang Dengvaxia

by Radyo La Verdad | December 12, 2017 (Tuesday) | 2148

Aprubado ng Food and Drug Administration o FDA at ng Formulary Executive Council o FEC ng Department of Health ang Dengvaxia, ito ang pinanindigan ni dating Health Secretary Jeanette Garin sa pagharap nito sa imbestigasyon ng Senado kaugnay ng umano’y maanomalyang pagbili ng 3.5 billion pesos na halaga ng Dengue vaccine.

Mariin nitong itinanggi na may korapsyon sa procurement process. Nilinaw rin ni Garin ang isyu ng pagbisita nila sa Paris, France at sinabing nais lamang nilang makipag partner sa Sanofi upang makamura sa bibilhing bakuna.

Ngunit ayon sa FEC, hindi nila aprubado ang bakuna. Naniniwala naman si dating DOH Secretary Paulyn Ubial at DOH Secretary Francisco Duque na hindi dapat ginawang priority project ang Dengvaxia.

Naniniwala rin si Ubial na may halong pulitika ang madaliang paglulunsad ng mass vaccination sa mga bata. Nanindigan naman ang manufacturer ng Dengvaxia na Sanofi Pasteur na ligtas at epektibo ang Dengvaxia na produkto ng dalawampung taong development.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,