FDA, minomonitor na ang mga posibleng Vaping-Related Illnesses sa bansa

by Erika Endraca | September 12, 2019 (Thursday) | 3057

MANILA, Philippines – Minomonitor na sa ngayon ng Food and Drugs Administration (FDA) sa Pilipinas ang mga sakit na posibleng dulot ng vaping, dahil sa naiulat na 6 na namatay sa Estados Unidos dahil sa paggamit ng E Cigarettes o Vape.

Kinumpirma ng mga health official sa Estados Unidos ang pagkamatay ng isang 50-taong gulang na indibidwal dahil sa lung disease na iniuugnay sa paggamit ng Vape.

Kaugnay nito naglabas ng kautusan ang FDA  sa mga Department of Health (DOH) controlled hospitals na i-report ang anomang kaso ng lung disease or illnesees na may kaugnayan sa paggamit ng vape.

Ngunit ayon sa isang eksperto, hindi dapat maging sanhi ng pagkaalarma ang naturang kaso dahil hindi pa napapatunayan kung may kaugnayan ito sa paggamit ng E Cigarettes.

Dati nang naglabas ang FDA ng regulasyon sa E Cigarettes. May hanggang October 25 o hanggang sa susunod na buwan ang mga manufacturer o retailer para magparehistro ng kanilang mga produkto sa FDA pero hanggang sa ngayon isa pa lamang umano ang nagpapasa ng aplikasyon para dito.

Samantala, nagbabala din ang FDA sa mga mapanganib na kemikal na matatagpuan sa vape. Ilan dito ang Cynemaldehide na nagdudulot ng pagbara sa baga at hirap sa paghinga, at ang Diacetyl na nagdudulot naman ng Bronchiolitis o pamamaga ng baga.

(Mai Bermudez | UNTV News)

Tags: ,