Farm tourism at local food, tampok sa Philippine Harvest ng DOT

by Radyo La Verdad | August 27, 2018 (Monday) | 3431

Dinayo ng mga local at international tourists ang pagtatapos ng tatlong araw na selebrasyon ng Philippine Harvest na inorganisa ng Department of Tourism (DOT) sa isang mall sa Bonifacio Global City, Taguig noong Sabado.

Layon nitong ipakilala ang mga farm tourism sites bilang travel destinations sa bansa at maging maasahang pagkakakitaan ng mga Pilipinong magsasaka.

Kaugnay ito ng pagpapatupad ng Farm Tourism Development Act of 2016 na isa sa mga hakbang ng pamahalaan para sa countryside development.

Siyam na farm tourism sites na accredited ng DOT mula sa mga lalawigan ng Caraga, Laguna, Bicol, Negros Occidental, Cebu, Cavite, Tarlac, Camarimes Sur, Sorsogon, Iloilo, General Santos at Davao ang nakiisa rito.

Tampok din dito ang mga local produce ng mga magsasaka na karamihan ay gawa mula sa mga organic ingredients tulad na lamang ng local sausages, heirloom rice, chocolates, organic meat at dairy products. Nandyan din ang mga inumin tulad ng kape, craft beers, fruit wines, cacao at honey.

Ang Cagayan Valley, ibinida ang mga organic black at red rice, suka, coffee at iba pang mga gulay.

Bilang tulong naman sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Eastern Visayas, tampok din sa pagdiriwang ang mga produktong gawa ng mga ito tulad ng iba’t-ibang chips, ginger tea, palaman, tinapang isda at ang sikat na moron.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,