Fajardo at Acierto, muling nadiin sa pagdinig ng Senado sa P11B na halaga ng shabu na ipinasok sa bansa

by Radyo La Verdad | December 4, 2018 (Tuesday) | 17942

Tatapusin na ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon nito kaugnay ng pagpasok ng bilyon-bilyong pisong halaga ng shabu.

Ayon kay Blue Ribbon Chairman Richard Gordon, sa kanilang ilalabas na committee report ay nakapaloob ang rekomendasyon para sa agarang pag-aresto kay dating Senior Superintendent Eduardo Acierto at Philippine Drug Enforcement Agency Deputy Director General for Administration Ismael Fajardo na isinasangkot sa pagpasok ng shabu sa bansa.

Sa huling pagdinig kahapon, muling kinumpirma ni dating Customs Intelligence and Investigation Service Officer Jimmy Guban ang partisipasyon ng dalawa sa pagpasok ng shabu na natagpuang magnetic lifters sa Cavite.

Partikular na tinukoy ni Guban si Acierto na siyang dahilan ng pagpasok ng kontrabando sa bansa.

Ang dating PDEA official naman na si Fajardo ay hindi naman tinukoy na may direktang kaugnayan sa shipment ng magnetic lifters na natagpuan sa Cavite na may lamang shabu.

Ngunit ayon kay Guban, posibleng may partisipasyon din ang dating opisyal.

Kwento naman ng isang PNP personnel, nautusan na rin siya minsan ni Coronel Acierto na dalhin ang supot kay Jimmy Guban; ang naturang supot ay naglalaman umano ng 300 libong piso para sa damage control.

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, naghain na ng kaniyang resignation si Fajardo na epektibo noong ika-30 ng Nobyembre.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,