Expanded number coding scheme sa Metro Manila, ibinalik na muli

by Radyo La Verdad | March 7, 2023 (Tuesday) | 10082

METRO MANILA – Ibinalik na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng number coding scheme upang mabawasan ang traffic volume sa Metro Manila.

Itoý kahit na itutuloy pa rin ng mga transport group ang isinasagawang tigil-pasada kontra Public Utility Vehicle (PUV) modernization program.

Batay sa monitoring ng MMDA may ilang public transportation ang naipit sa traffic kahapon (March 6) at hindi kaagad nakabalik sa mga ruta. Kaya’t natagalang makasakay ang ilang mga pasahero.

Sa datos ng MMDA nasa 20% sa volume ng mga sasakyan sa Metro Manila ang nadagdag kahapon (March 6) dahil sa suspensyon ng number coding.

Sa ilalim ng expanded number coding scheme, ang mga sasakyang may license plates na nagtatapos sa 1 at 2 ay bawal bumiyahe tuwing Lunes, ang nagtatapos naman sa 3 at 4 ay bawal kada Martes, 5 at 6 tuwing Miyerkules, 7 at 8 tuwing Huwebes, at 9 at 0 ay bawal naman tuwing Biyernes. Ito’y mula 7:00 ng umaga hanggang 10:00 ng umaga at sa hapon naman ay mula 5:00 hanggang 8:00 ng gabi, maliban na lang kung holiday.

Kahapon (March 6) nakatanggap ang MMDA ng mga ulat kung saan mayroon umanong mga raliyista ang nanghaharang para kumbinsihin ang iba pang jeepney driver na sumama sa protesta.

Mayroon ding natanggap na report ang Quezon City  na may mga naglalagay ng pako sa kalsada pa butasin umano ang mga gulong ng mga jeep na bumiyahe.

Pero ayon sa National Capital Region Police, sa kabila ng mga insidenteng ito, wala namang napaulat na nasaktan sa mga jeepney driver o sa mga pasahero.

Nagbabala naman si LTFRB Chairperson Assistant Secretary Teofilo Guadiz III na gagawan nila ang kaukulang aksyon ang mga nakilahok sa tigil-pasada.

(JP Nunez | UNTV News)

Tags: ,