Hindi pa lubusang isinasara ng pamahalaan ang usapang pangkapayapaan sa mga rebeldeng komunista.
Kahapon, kinumpirma ni Labor Secretary At Government Chief Negotiator Silvestre Bello III na isang executive order ang inihahanda ng Malakanyang para sa localized peace talks sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Ibig sabihin, ipauubaya na sa mga lokal na pamahalaan ang pakikipag-usap sa mga rebelde.
Sa kabila nito, ayon sa kalihim, patuloy pa ring nirerebisa ang nilalaman ng Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER) na huling napag-usapan ng magkabilang panig bago natigil ang pormal na usapang pangkapayapaan nitong nakaraang Hunyo.
Samantala, naniniwala si Bello na bulung-bulongan lang ang “Red October” o ang sinasabing sabwatan at pagkilos ng oposisyon at mga rebeldeng komunista na patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na buwan.
Ayon sa kalihim, hindi kayang mapatalsik ang isang Pangulo na may matibay na suporta ng taong-bayan.
( Charlie Barredo / UNTV Correspondent )
Tags: Executive order, localized peace talks, rebeldeng komunista