Ex-Customs Intel Jimmy Guban, hindi ibibigay ng Senado sa PNP kung walang warrant of arrest

by Radyo La Verdad | October 26, 2018 (Friday) | 5743

Mananatili pa rin sa Senado si dating Bureau of Customs (BOC) Intelligence Officer Jimmy Guban.

Ito ay sa kabila nang naging utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na pag-aresto kay Guban dahil sa pagkasangkot nito sa nakalusot umano sa bansa na 6.8 bilyong pisong shabu shipment.

Sa text message ni Senate President Vicente Sotto III, sinabi nitong hindi ibibigay ng Blue Ribbon Committee ang kustodiya kay Guban maliban na kung may warrant of arrest na ihahain ang mga otoridad.

Ngunit depende pa rin aniya sa chairman ng Blue Ribbon Committee na si Senator Richard Gordon kung iti-turnover si Guban sa kinauukulan. Sinang-ayunan naman ni Senator Gordon ang posisyon na ito ng Senate President.

Sa pagharap sa media kahapon ni Gordon kasama si Guban, sinabi ng senador na kailangan pa aniya ng malalimang imbestigasyon sa shabu shipment.

Irerekomenda na rin ng komite sa Department of Justice (DOJ) na mapasailalim sa witness protection program si Guban. Mapapatunayan umano ni Guban kung sino ang nasa likod ng naturang shabu shipment na posibleng may sangkot rin na ilan pang matatataas opisyal.

Ayon pa kay Senator Gordon, hindi rin basta-basta ngayon papayagan ng komite na magpagala-gala si Guban dahil na rin sa banta sa kaniyang seguridad matapos ibulgar ang kaniyang nalalaman.

May nakahanda na ring rekomendasyon ang senador batay sa kanilang ilalabas na committee report kung sino ang mga posibleng makasuhan sa naturang shabu shipment.

Si Guban ay nakadetine sa Senado mula pa noong ika-12 ng Setyembre matapos i-cite for contempt ni Senator Gordon dahil sa umano’y hindi pagsasabi noon ng totoo sa imbestigasyon ng komite kaugnay ng naturang shabu shipment.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,