Ethics complaint na inihain vs Sen. Trillanes, sufficient in form and substance – Sen. Sotto

by Radyo La Verdad | September 12, 2017 (Tuesday) | 2190

May sapat na batayan upang ipagpatuloy ng Senate Committe on Ethics and Privileges ang pagdinig sa ethics complaint na inihain ni Senator Richard Gordon laban kay Senator Antonio Trillanes IV. Ito ang lumabas sa isinagawang pagdinig ng komite sa reklamo kahapon.

Subalit kinuwestyon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, ang Section 5 ng ethics complaint. Ito ay kaugnay ng partisipasyon ni Sen. Trillanes sa Oakwood Mutiny noong 2007.

Sa ngayon, pinagsusumite muna ng komite ng counter affidavit si Senator Trillanes kaugnay ng reklamo sa loob ng sampung araw o ten working days. Ang ethics complaint ay nag-ugat sa nangyaring mainitang pagtatalo ni Senator Gordon at Trillanes sa imbestigasyon sa 6 billion peso shabu shipment probe noong August 31.

Inireklamo ni Senator Gordon si Trillanes dahil sa umano’y hindi tamang pag-uugali nito, kung saan inakusahan pa nito si Gordon na tila nag-aabugado na para kina Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at Atty. Mans Carpio na idinadawit rin sa kaso.

Ayon kay Senator Sotto, possibleng mailabas nila ang desisyon sa naturang ethics complaint sa loob ng susunod na dalawang buwan.

 

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

 

 

 

Tags: , ,