Election Service Reform Act, hindi naipatupad ng maayos sa nakalipas na halalan – ACT Teachers

by Radyo La Verdad | May 17, 2018 (Thursday) | 15601

Pinasisinungalingan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang ulat ng Commission on Elections (Comelec) at ng iba pang ahensya ng pamahalaan na naging matagumpay ang katatapos na barangay at SK elections.

Giit ng grupo, mabagal ang pagbibigay ng honoraria kahit pa nagbaba ng resolusyon ang Comelec nitong Abril na maaari na nilang i-withdraw ang kanilang honoraria sa mismong araw ng halalan.

Ayon kay Benjamin Valbuena, chairman ng ACT Philippines, wala ring natanggap ang ibang mga guro kahit kalahati sa travel allowance na dapat nilang matanggap.

May ilang guro rin aniya sa Quezon City na wala pang hawak na cash card hanggang ngayon.

Nagsumite na ng mosyon sa BIR ang grupo kahapon upang iapela ang pagpapataw ng buwis sa kanilang honoraria.

Nais din ng ACT na mabigyan ng proteksyon ang mga gurong nagsisilbi sa halalan.

Ilang mga guro anila sa Quezon City ang hinarang ng mga supporter ng isang kandidato at ayaw palabasin sa mga presinto upang madala ang mga ballot box sa Comelec offices.

Aalamin naman ng poll body kung may katotohanan ang mga alegasyon.

Ayon sa tagapagsalita ng poll body, hindi papayag ang Comelec na madehado ang mga guro at kinikilala nila ang sakripisyo ng mga ito.

Bahagi aniya ang mga guro sa pagdaraos ng matiwasay at matagumpay na barangay at SK elections.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,