Economic managers ng administrasyon, nirekomenda na kay Pres. Duterte na suspendihin ang ika-2 bugso ng dagdag fuel excise tax sa 2019

by Radyo La Verdad | October 15, 2018 (Monday) | 4682

Inanunsyo na ng Department of Finance (DOF) ang pansamantalang pagsususpindi simula sa susunod na taon sa pagsingil sa ikalawang bahagi ng dagdag buwis sa langis sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na dapat ay magsisimula na sa Enero 2019.

Sa ilalim nito, may dagdag pa na dalawang pisong buwis kada isang litro ng langis o gasolina.

Sa isang statement sinabi ng DOF na nakapagsumite na ang economic managers ng rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang konsultasyon ng mga ito sa liderato ng mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso.

Ayon sa kagawaran, kung sakaling tumaas sa loob ng tatlong buwan ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ng higit sa 80 USD per barrel, sususpindihin na ng pamahalaan ang excise tax increase sa 2019.

Ito ay kahit magkaroon ng tinatayang 40-billion revenue loss o lugi sa kinokolektang buwis ang pamahalaan.

Pero kahit anila maging ganito ang sitwasyon, mas isinasaalang-alang ng gobyerno ang epekto ng mataas na presyo ng mga bilihin sa mga mahihirap na kababayan.

Nagbigay din ang mga ito ng katiyakang masusing binabantayan ng Pangulo ang sitwasyon ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado maging ng iba pang mga bilihin.

Batay sa probisyon ng TRAIN Law, kung aabot ng 80 dollars per barrel o higit pa ang presyo ng Dubai crude oil sa loob ng tatlong buwang sunod-sunod, sususpindihin ang nakatakdang pagtaas ng ipinapataw na buwis sa fuel sa first quarter ng 2019.

Ang hakbang na ito ayon Sa Finance Department ang isa sa mga available option na nakikita ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis.

Malinaw aniya na sa mga susunod na buwan, inaasahang mas tataas pa ang presyo ng langis sa world market kaya ito ang basehan ng agarang anunsyo ng gobyerno.

Tuloy-tuloy din anila ang mga aksyon ng Duterte administration para paramihin ang suplay ng mga pangunahing produktong pang-agrikultura upang bumaba ang presyo ng mga pagkain sa mga pamilihan.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,