Ease of Doing Business Act, pirmado na ni Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | May 29, 2018 (Tuesday) | 5476

Isa nang ganap na batas ang panukalang naglaslayong pabilisin ang proseso ng pagbubukas ng negosyo sa bansa.

Pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang kagabi ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.

Ayon sa punong ehekutibo, ito na ang nakikitang solusyon para resolbahin ang red tape sa mga ahensya ng gobyerno. Dahil dito, inaasahang magiging madali na para sa mga businessmen ang pagkuha ng lisensya, clearances at permit.

Sa ilalim din ng batas, may mga itinatakdang period ng processing time para sa mga kinakailangang dokumento.

Kinakailangang iproseso ng mga ahensya ng pamahalaan ang mga simpleng transaksyon sa loob ng tatlong araw, pitong araw para sa mga kumplikado at 20 araw para sa mga technical transaction.

Inaatasan din ng batas na ito ang mga lokal na pamahalaang gawing automated ang pagbibigay ng business permit at licensing system.

Sa huling ulat ng World Bank, pang 113 ang Pilipinas sa 190 bansa sa Ease of Doing Business.

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,