Muling iginiit ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na hindi siya tatakbo sa mataas na posisyon sa 2016.
Sa pagsisimula ng filing ng certificate of candidacy (COC) ng mga gustong mahalal sa 2016 elections, nanawagan si Duterte sa mga kaibigan at supporters na tigilan na ang pangungumbinsi sa kanya na tumakbo sa pagka-pangulo.
Kaugnay nito, humingi ng paumanhin ang alkalde sa mga gumastos ng malaki at nagpahayag ng kanilang suporta para siya ay tumakbo.
Pagbibigay-linaw ni Duterte, tanging promosyon ng pederalismo ang kanyang pakay sa paglilibot sa bansa at hindi ang pagpapakilala ng kanyang sarili para sa eleksyon.
Paniwala ni Duterte, hindi siya ang solusyon sa problema na kinakaharap ng bansa na gaya ng paniniwala ng ilan.