DTI at iba pang ahensya, binigyan ng mas malawak na kapangyarihan ng Pangulo

by Radyo La Verdad | September 27, 2018 (Thursday) | 3727

Sa bisa ng memorandum order at administrative order mula sa Pangulo, mas malawak na ngayon ang kapangyarihan ng Department of Trade and Industry (DTI) at ibang ahensya upang makagawa ng paraan na mapababa ang presyo ng mga bilihin.

Batay sa Memorandum Order no.27, inatasan ng Pangulo ang DTI at (Department of Agriculture) DA na gumawa ng paraan upang mabawasan ang intermediary layers na nagpapataas sa presyo ng mga bilihin.

Tutulungan ng DTI at DA ang mga magsasaka at manufacturer na maibagsak ng direkta sa mga suking tindahan ang kanilang mga paninda upang bumaba ang presyo nito.

Sa bisa naman ng Administrative Order No.13, inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang DTI kasama ang DA at iba pang concerned agency na mas pabilisin ang proseso sa aplikasyon ng iniimport na produkto.

Ayon sa kautusan, tatanggalin o babawasan rin ang mga fees o bayarin na may kaugnayan sa importasyon upang mapadami ang suplay at masiguro na bababa ang presyo ng mga produkto.

Binigyan rin ng kapangyarihan ang DTI na bumuo ng isang surveillance team kasama ang PNP upang i-monitor ang mga agricultural products at maiwasan ang hoarding.

Binigyan naman ng karapatan ang National Food Authority (NFA) at Bureau of Fisheries na mag-angkat ng dagdag na bigas at isda kung kinakailangan kahit labas ito sa Minimum Access Volume (MAV).

At upang mabawasan ang import cost, inatasan ang DA at DTI upang pagandahin ang logistics, transport, storage at distribution ng mga produkto.

Kautusan din ng Pangulo sa mga naturang ahensya na epektibo na ito sa lalong madaling panahon.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,