DSWD, handang magbigay ng ayuda sa mga LGU na apektado sa aktibidad ng bulkang Taal

by Erika Endraca | February 19, 2021 (Friday) | 12319

METRO MANILA – Nakahanda ang Department of Social Worker and Development (DSWD) Field Office(FO) IV-A na tulungan ang mga Local Government Units(LGUs) na apektado ng patuloy na volcanic activities ng bulkang Taal.

Kaugnay nito’y mahigit P2.6-M na halaga ng family food packs(FFPs) ang nakahanda kasama ang higit sa P8.5-M halaga ng mga relief supplies na ire-repack. Dagdag pa rito ang P8.3 milyon na standby funds na maaring magamit sa mga emergency relief supply.

Bilang paghahanda, dinaluhan ni DSWD Undersecretary Jose Antonio R. Hernandez ang isang virtual conference ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) IV-A response cluster upang pag-usapan at pag-aralan ang mga hakbang na gagawin sa mga lugar na apektado ng patuloy na seismic activities ng bulkan.

Samantala, naglagay naman ang FO IV-A ng Emergency Operations Center (EOC) upang ma-monitor ang lagay ng bulkan at matulungan ang mga munisipalidad na nangangailangan ng technical assistance.

Nananatili namang naka-alerto ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at handang mag-deploy ng Quick Response Team upang tulungan ang mga LGUs na mailikas at mapanatili Ang kaayusan ng mga evacuation centers kung saan tutuloy ang mga pamilyang maaapektuhan.

Hinihikayat naman ng DSWD at NDRRMC ang mga mamamayan na apektado ng bulkang Taal na sumunod sa mga utos at paalala ng mga kinauukulan para narin sa kanilang kaligtasan.

(Kyle Nowel Ballad | La Verdad Correspondent)

Tags: , ,