Dry-run ng Provincial Bus Ban, muling ipatutupad ng MMDA sa August 7

by Erika Endraca | August 1, 2019 (Thursday) | 8657

MANILA, Philippines – Nagkasundo kahapon (July 31) ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ang Land Transportation Franchising And Regulatory Board (LTFRB)  na ibalik ang dry-run ng provincial bus ban sa Edsa, simula sa August 7, alas-4 ng umaga.

Mayroon iyong window hours mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga kung saan maaring pumasok ng Edsa ang mga provincial bus. Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, nakausap na nila ang mga provincial bus operators at pumayag naman sila sa isasagawang dry- run.

Kaugnay nito ay ipo-proseso na rin ng LTFRB ang pagpapalawig sa ruta ng ilang city bus, na sasakyan ng mga pasahero mula sa mga Interim Terminal. Magbubukas rin ang ahensya ng aplikasyon ng prangkisa para sa mga Point to Point bus.

“Walang dry run hanggang Friday if ever magkakaron ng dry run it will be next week yung date it will be august 6 or 7 though depende parin sa technicality ng pag uusapan natin” ani MMDA General Manager Jojo Garcia.

Nauna nang sinabi ng mga mayor ng Quezon City at Pasay City, na payag silang suspendihin ang business permit ng mga bus terminal sa Edsa sa kanilang nasasakupan.

“Sabi ko nga kapag nagbigay na sa akin ng notice on the same day ipapasara ko na po lahat ng terminal kaya ko pong gawin yan” ani Quezon City Mayor Joy Belmonte.

Bagaman payag ang mga operator ng provincial bus sa dry run, patuloy pa rin silang umaasa na papaboran ng korte suprema ang petisyon laban sa provincial bus ban sa Edsa.

“Kung iimplement nila ang dry run,napakalaking problema at perwisyo sa lahat ng mananakay ng provincial bus,hindi kami ang cause ng traffic” ani Provincial Bus Operators Association President Alex Yague.

(Joan Nano | Untv News)

Tags: , ,