Sinimulan na ngayong araw ng Metropolitan Manila Development Authority ang dry-run ng planong pagpapatupad ng carpooling lane sa kahabaan ng Edsa. Sa pamamagitan ng mga CCTV camera sa MMDA metrobase, mahigpit na binabantayan ngayon ng MMDA ang pagdaan ng mga pribadong sasakyan na may 2 o mahigit pa na pasahero sa ika-limang lane sa Edsa. Habang ang mga pribadong sasakyan naman na may isang pasahero lamang ay papayagan lamang na dumaan sa ikatlo at ikapat na lane ng kalsada. Mananatili namang nakalaan ang una at ikalawang lane ng Edsa para sa mga pampublikong sasakyan.
Simula alas sais hanggang alas onse ngayong umaga, 36 na motorista na ang namonitor ng MMDA na hindi sumusunod sa carpooling lane sa pamamagitan ng kanilang no contact apprehension policy. Habang 18 naman ang nakunang lumabag sa pamamagitan ng handycam na hawak ng kanilang mga traffic enforcer na nakadeploy sa ilang overpass sa Edsa.
Paliwanag ng MMDA, hindi pa sila manghuhuli sa ngayon ng mga motoristang lalabag dahil pinag-aaralan pa lamang nila ang implementasyon at magiging epekto sa trapiko ng carpool lane. Tatagal ang dry-run hanggang sa Biyernes at pagkatapos nito ay magsasagawa ng assesment ang MMDA upang malaman kung naging epektibo ang pagpapatupad ng bagong regulasyon sa batas trapiko.
Ngunit sakaling matuloy ang implementasyon nito, papatawan ng paglabag kaugnay sa disregarding traffic sign at reckless driving ang motoristang hindi susunod dito na may kabuoang multang 650 piso.
Sa datos ng MMDA, 90 porsiyento ng mga sasakyang dumaraan sa Edsa ay pawang mga pribado, kung saan 70 porsiyento nito ay bumibiyahe na mayroon lamang isang pasahero.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: carpooling lane, EDSA, MMDA