Drivers cancellation rate, tumaas matapos suspendihin ng LTFRB ang P2/min travel time charge

by Radyo La Verdad | April 24, 2018 (Tuesday) | 3394

Aabot sa limang mga driver na ang inireklamo ng ride booking cancellations ang pinatawan ng tatlong hanggang limang araw na suspensyon ng Grab Philippines.

Habang ang iba naman ay tinaggal na sa serbisyo at hindi na muling papayagang makapagmaneho sa ilalim ng kumpanya.

Ang naturang aksyon ng Grab PH ay kasunod ng mga reklamo at batikos ng mga pasahero na kumakalat ngayon sa social media.

Ayon kay Grab PH Country Head Brian Cu, hindi nila kukunsintihin ang mga pasaway na driver.

Anila, ang bawat sumbong na kanilang natatanggap ay dumadaan muna sa masusing imbestigasyon bago aksyonan ng management.

Ngunit hirit ng Grab, malaki na rin umano ang kanilang nalulugi at may ilan sa mga driver ang hindi na bumibiyahe matapos suspendihin ng LTFRB ang implementasyon ng two peso per minute travel time charge. Noong weekend, tumaas sa 11% ang naitala nilang driver cancellation rate.

Sa datos ng Grab PH, umaabot na sa halos anim na raang libong ride transaction ang kanilang naitatala araw-araw.

Kulang na kulang aniya ito sa 65,000 supply cap na itinakda ng LTFRB, kaya’t hindi aniya rin maiiwasan ang pahirapang pagbo-book ng ride.

Samantala, plano naman ni Pwersa ng Bayaning Atleta Partylist Representative Jerico Nograles na magsampa ng kaso laban sa Grab kaugnay pa rin ng isyu sa two peso per minute travel time charge.

Handa naman umano ang Grab na harapin ang reklamo, subalit iginiit nito na walang silang iligal na kinuha sa mga pasahero.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,