Nahaharap sa panibagong libel complaint ang kinuhang consultant ni dating Health Secretary Paulyn Jean Ubial na si Dr. Francis Cruz.
Ito ay matapos maghain ng reklamo sa Manila Prosecutors Office nitong Biyernes, Pebrero 23 ang pitong opisyal ng DOH na inakusahan ni Cruz ng pagiging sangkot sa umano’y mafia sa kagawaran.
Ang mga complainant ay sina Usec. Gerardo Bayugo, Usec. Lilibeth David, Asec. Nestor Santiago, Director Mar Wyn Bello at tatlo pang DOH officials.
“Kami ay nagfa-file ng kaso ng libel para kay Dr. Francis Salcedo Cruz sa kaniyang mga paratang sa amin na kami daw ay miyembro ng mafia ng DOH na wala naman at hindi totoo,” sabi ni Director Bello.
Umaasa ang mga ito na mabibigyan ng hustisya ang ginawang pagyurak ni Cruz sa kanilang karangalan. Apektado na rin anila ng kontrobersiya ang kanilang pamilya.
“Pabayaan natin na sa hukuman magkakaroon naman ng investigation at tsaka hearing dito,” dagdag pa niya.
Muli ring nilinaw ni Dr. Bello na wala silang kinita sa pagbili ng Dengvaxia vaccines
“Motive ni Dr. Cruz? Siguro gusto niyang sumikat. Iyon lang. Gusto niyang sumikat at makilala ng lahat ng tao baka he will be running for politics or whatever he wants to do for now,” sabi ni Bello.
Hinahamon ng grupo si Dr. Cruz na patunayan ang kaniyang mga akusasyon laban sa kanila.
Una ng naghain ngn reklamong libelo laban kay Cruz si PCMC director Dr. Juluis Lecciones dahil rin sa akusasyon ng pagiging sangkot umano niya sa DOH mafia.
(Aiko Miguel/UNTV Correspondent)
Tags: Dengvaxia, DOH, Francis Cruz