Double Digit GDP Growth, inaasahan ngayong Q2 — Diokno

by Radyo La Verdad | July 7, 2022 (Thursday) | 7588

METRO MANILA – May positibong pananaw si Finance Secretary Benjamin Diokno na magkakaroon ng double digit growth ang domestic economy sa darating na ikalawang kwarter ng 2022 kasunod ng 8.3% expansion nito nang unang 3 buwan ng taon.

Idinagdag pa niya na naapektuhan ng pagtaas ng impeksyon ng COVID-19 ang unang kwarter ngunit nanatiling malakas ang domestic growth nito.

Sa isang Palace briefing, sinabi ni Diokno na inaasahan ng pamahalaan ang full-year growth na sinusukat ng Gross Domestic Product (GDP) na nasa 6.5%-7.5% kung saan ito ay “Conservative Figures”.

Aniya, sa katunayan, ang napagkasunduan ay ito ang pinakamataas na rate ng paglago sa lahat ng bansa sa ASEAN+3 ngayong taon at sa susunod na taon.

Ngayong 2022, ang growth figures na nabanggit ni Diokno ay mas mababa sa inaprubahang projection ng Inter-Agency Development Budget Coordination Committee (DBCC) na 7%-8% sa isang pagpupulong noong May 24.

Para sa 2023-2028, ang growth projections ay nasa 6.5%- 8% ayon pa sa kalihim, habang ang projection na inaprubahan ng DBCC sa 2023-2025 ay 6%-7%.

(Julie Gernale | La Verdad Correspondent)

Tags: