DOTR,umaasang papasa na sa 18th Congress ang hiling na Emergency Powers ni Pang. Duterte

by Radyo La Verdad | July 10, 2019 (Wednesday) | 4183

Nakipagpulong si Department of Transportation Secretary Arthur Tugade kay Senator Francis Tolentino kaninang umaga ngayong Miyerkules, July 10. Kabilang sa napag-usapan ng dalawang opisyal ay ang hinihiling na Emergency Powers ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso upang maresolba ang problema sa trapiko sa Metro Manila

Ayon kay Tugade, pipilitin niyang maipaliwanag sa mga Senador ang kahalagahan ng panukala upang pumasa na ito sa 18th Congress.

 “’Wag po natin pabaunan ng duda yung deliberasyon, pababaunan ko yan ng kaliwanagan sa pag-uusap, naniniwala ako na kung ang mga mag-uusap ay may kaliwanagan, magkakaroon ng kooperasyon, pwede po nating mapadali ito,” ani Department of Transportation Sec. Arthur Tugade.

Hindi rin muna hihilingin ng kalihim kay Pangulong Duterte na i-certify as urgent ang panukalang Emergency Powers.

 “Kung magkasundo po kami sa mga datos at detalye, hindi po ba mas magandang pumunta kami kay Pangulo na handa na yung detalye kaysa blanket na hihingin na wala pang detalye, hindi ho bang mas magandang proseso yung ganun?” dagdag ni Sec. Arthur Tugade.

Ayon kay Senator Tolentino, mas detalyado ang nilalaman ng kaniyang bersyon sa panukalang Emergency Powers.

“Nalagyan natin ng ibang detalye na wala dati, for instance yung working hours, yung adjustment ng oras ng pagpasok at yung role ng mga local government units,” ayon kay Sen. Francis Tolentino.

Nabinbin sa Senate plenary ang panukalang Emergency Powers noong 17th Congress. Habang may hiwalay na bersyon ang Kamara na naipasa noong December 2018.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: , , ,