DOLE at BFP officials, sinampahan ng reklamo sa Ombudsman

by Radyo La Verdad | June 8, 2015 (Monday) | 3627

KENTEX
Inireklamo ng Justice for Kentex Workers Alliance sa Office of the Ombudsman ang ilang opisyal ng pamahalaan na umano’y dapat managot sa nangyaring trahedya sa pabrika ng tsenelas sa Valenzuela City na ikinamatay ng pitumput dalawang manggagawa noong May 22.

Ang walong sinampahan ng Administrative at Criminal Charges ay sina Department of Labor and Employment Sec. Rosalinda Baldoz, Department of Interior and Local Government Sec. Mar Roxas, Director ng DOLE-NCR na si Alex Avila, Labor Compliance Officer ng DOLE-NCR na si Joseph Vedasto, Director ng Bureau of Fire Protection na si Daniel Barayuga, NCR-BFP Director Sergio Soriano, Valenzuela City Marshall Mel Jose Lagan, at BFP Chief of Fire Safety Enforcement Section Ed Pcullam.

Ayon sa grupo, kailangan managot ni Sec. Baldoz dahil sa inisyung DOLE Certificate of Compliance na nagpapatunay na sumusunod sa Occupational Health and Safety Standards ang Kentex Manufacturing Corporation.

May pananagutan din umano ang DILG dahil hindi kaagad naglabas ng report ang Bureau of Fire Protection na may violation ang Kentex sa kanilang mga regulasyon.

Ayon sa abogado ng mga biktima na si Atty. Remegio Saladero Jr, mahigit limampung pamilya ang kinuhanan nila ng affidavit at sworn statement para sa reklamong ito.

Binabalak rin ng grupo sa pamumuno ni Atty. Saladero na magsampa ng criminal charges sa Valenzuela City Prosecutors Office o sa Department of Justice laban naman sa may ari ng pabrika.

Tags: , , , ,