Dokumentong nagpapatunay na nagsumite si Trillanes ng application for amnesty, maaaring gamitin – Constitutional Law Expert

by Radyo La Verdad | September 5, 2018 (Wednesday) | 1372

Sa videong na kuha noong 2011, makikita ang dating lieutenant senior grade na si Antonio Trillanes na lumalagda sa isang dokumento at nanunumpa sa harapan ng isang opisyal ng militar.

Bahagi umano ito ng paghahain ng senador ng aplikasyon para mabigyan ng amnestiya sa panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Ang amnestiya ay isang uri ng pagpapatawad na iginagawad ng Pangulo sa mga miyembro ng Sandatahang Lakas na nagsagawa ng rebelyon at kinakailangan ng pagsang-ayon ng Kongreso bilang kinatawan ng mga mamamayan.

Ayon sa isa sa mga bumalangkas ng amnesty proclamation ni Trillanes na si dating Congressman Erin Tañada, walang ibinigay na espesyal na prebilehiyo si Aquino kay Trillanes.

Subalit pinawalang bisa ng malakanyang ang amnestiya dahil hindi umano natugunan ng senador ang mga requirements para dito, kabilang na ang pagsusumite ng aplikasyon. Bagay na paulit-ulit na itinaggi ni Trillanes at ipinakita pa ang isang 2011 video sa kaniyang privilege speech bilang patunay.

Pero ayon sa constitutional law expert na si Dean George Garcia ng PLM College of Law, mas magiging madali ang lahat para sa mambabatas kung magsusumite siya ng orihinal na dokumento.

Ayon naman kay Tañada, maituturing na kawalam ng kakayahan ng mga opisyal ng pamahalaan ang hindi pagsisinop ng dokumento.

Una ng sinabi ng DND na kung totoong nagsumite ng aplikasyon si Trillanes ay hindi nila makita ang kopya ng naturang dokumento.

Kaugnay ng pagpapawalang-bisa ng Proclamation Number 75, itinatakda pa rin sa Saligang Batas ang kapangyarihan ng Korte Suprema na kwestiyunin kung may ginawang pang-aabuso ang Office of the President.

Sa huli ay ang judicial independence din umano ng hudikatura ang maaaring tumukoy kung may nalabag nga ba sa mga karapatan ng senador.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,