METRO MANILA – Umaasa si Department of Health (DOH) Officer in Charge (OIC) Maria Rosario Vergeire na hindi na nga magiging public health emergency sa 2023 ang COVID-19 at MPOX.
Ayon kay Usec. Vergeire, mas batid na kasi ngayon ng health care workers maging ng publiko ang dapat gawin kapag tinamaan ng mga sakit na ito.
Bagaman may mga naitatala pa ring kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, hindi na ganun kadami ang mga severe at critical cases sa bansa.
Sa isinagawang media briefing, sinabi ni World Health Organization (WHO) Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus, na ang patuloy na pagbaba ng pandaigdigang kaso ng COVID-19 ay isang magandang senyales na maaaring nakalagpas na tayo sa most dangerous phase.
Sa kasalukuyan, nasa 18,000 na lang ang aktibong kaso sa bansa, 383 dito ang severe cases, habang 129 ang nasa kritikal.
Dagdag pa ni Vergeire, marami na ring mga Pilipino ang fully vaccinated, malaking tulong sa pagbaba ng kaso sa bansa, at as of December 11, 2022, mahigit 70 milyong indibidwal na ang fully vaccinated.
Sa patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa bansa, patuloy na paalala ng DOH sa publiko lalo na ngayong holiday season, huwag maging kampante at sundin pa rin ang health protocols.
(Gladys Toabi | UNTV News)