METRO MANILA – Nagdudulot ng high blood pressure at mas malaking posibilidad ng heart attack at stroke ang pagkain ng maaalat.
Ayon sa World Health Organization (WHO), 2 grams lang ng asin ang dapat maging daily consumption. Subalit sobra-sobra ang sodium intake o pagkain ng ma-aalat ng mga Pilipino.
“Ang cause ng hypertension sa atin maliban sa paninigarilyo ay pagkain ng maalat, dapat po isang tao, 2 grams lang per day, tayo po ang konsyumo natin 11-15 grams per day, so tayo ay 4-5 times sa Filipino” ani Preventive Health Education & Health Reform Advocate Dr. Tony Leachon.
Kaya upang bumaba ang health risks na dulot ng salty food products, pinag-iisipan ng DOH na imungkahing patawan ng dagdag na buwis ang salty products. Ito ay upang mahikayat ang publiko na kumain ng mas masusustansya at hindi maaalat na pagkain.
“And it has been found in many countries that when you tax products that are unhealthy, talagang nagde-decrease kasi ang intake and the companies reformulate yung kanilang product” ani DOH Undersecretary Eric Domingo.
Una nang ipinatupad sa bansa ang dagdag na pataw na buwis sa mga sugary drinks at batay sa WHO, posibleng mabawasan ng 24,000 pre-mature deaths ang bansa bunsod ng diabetes, stroke at heart failure dahil sa consumption ng matatamis na inumin.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: DOH, salty foods