METRO MANILA, Philippines – Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na iwasan ang sobrang pagkain ngayong holiday season lalo na ng mga ng mamantika, maalat at matatamis.
Dahil dito, maaaring lumala o makuha ang mga sakit gaya ng atake at kumplikasyon sa puso, pagtaas ng presyon at diabetes.
Base sa datos ng Philippine Statistics Authority, komplikasyon sa puso ang pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipino.
Ito ay nakukuha sa mga bisyo gaya ng paginom ng alak, paninigarilyo at hindi tamang pagkain.
Payo ng DOH na kapag may history ng mga nabanggit na sakit at makaramdam na ng pagkahilo, pananakit ng dibdib, pagsakit ng ulo at pagsama ng pakiramdam ay agad nang magpakonsulta sa doktor.
Ani DOH Undersecretary Eric Domingo, “Lahat ng blood sugar level mataas, lahat ng cholesterol mataas, mataas ang mga bp ng mga pasyente. So ayun iyong holiday illnesses natin talaga – heart attack, stroke pa rin.”
Mahigpit din na pakiusap ng DOH na iwasan ang pag-inom ng nakalalasing ng inumin lalo na kung magmamaneho.
Paalala rin ng Kagawaran ng Kalusugan na suriing mabuti ang mga bibilhing karne at tiyaking naluto ito nang tama upang makaiwas naman sa diarrhea at food poisoning.
Basahin din na mabuti ang label ng mga pagkaing binibili at tignan ang expiration date nito.
(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)
Tags: Christmas party, Department of Health, heart attack, holiday season, media noche, mortality, noche buena