Inuulan ngayon ng reklamo ang Department of Health (DOH) dahil hindi umano inaasikaso sa mga pampublikong hospital ang mga pasyenteng naturukan ng Dengvaxia vaccine. Kabilang na rito ang kawalan ng priority lane at pinagbabayad pa umano ang mga pasyente.
Kanina ay nagtungo si DOH Assistant Secretary Francia Laxamana sa Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital sa San Fernando City, Pampanga upang alamin ang sitwasyon ng mga pasyente.
Isa naman ang anak ni Aling Tess Galang sa dalawang daang libo na mga batang naturukan ng Dengvaxia sa Region 3. Aniya, hindi dapat isawalang bahala ang kanilang kalagayan.
Tiniyak naman ng DOH na walang dapat bayaran ang mga magulang na gaya ni Aling Tess sa mga pampublikog ospital.
Nakipagkasundo na rin aniya ang DOH sa 50 private hospitals na tanggapin sa kanilang mga ospital ang mga may ganitong kaso. Kailangan lamang umanong ipakita ng mga magulang ang Dengvaxia ID na katunayan siya nga ay Dengvaxia recipient.
Bukod sa weekly monitoring sa kalagayan ng mga pasyente na naka-confine sa ospital, namahagi rin ang kagawaran sa mga pasyente ng dengue kit. Naglalaman ito ng insect repellant, kulambo, thermometer at Vitamin C at ito ay nagkakahalaga ng P700 bawat kit.
Umabot na sa 154 ang naging pasyente sa ospital na ito ay Dengvaxia-related illnesses. Animnapu’t walo dito ay confirmed dengue cases, siyam na bata ang naka-confine ngayon na kasalukuyang binabantayan.
( Leslie Huidem / UNTV Correspondent )