DOH, magpapatupad ng balasahan sa mga senior officials ng kagawaran

by Radyo La Verdad | March 1, 2018 (Thursday) | 2860

Epektibo sa susunod na linggo magpapatupad ng major reshuffle ang Department of Health (DOH) sa mga senior officials nito.

Saklaw ng kautusang inilabas ni Health Secretary Francisco Duque III kahapon ang mga undersecretaries, assistant secretaries at direktor ng kagawaran.

Ayon sa kalihim, ang hakbang na ito ng DOH ay upang masiguro na walang mangyayaring “whitewash” sa isinasagawang imbestigasyon ng kagawaran sa Dengvaxia controversy.

Matatandaang dalawang opisyal na ng Food and Drugs Administration (FDA) ang inilipat ng pwesto kaugnay din ng imbestigasyon sa isyu ng Dengvaxia.

Samantala, nais din ni Duque na makausap si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa mga hakbang na ginagawa ng kagawaran sa kontrobersiya.

Hihilingin ng kalihim na pahintulutan silang magamit ang mahigit sa P300-million mula sa P1.162-billion refund ng Sanofi sa mga hindi nagamit na Dengvaxia vaccines.

Nais din ng DOH na maisama sa taunang budget ang paglalaan ng pondo para sa medical supplies na inilalagay sa mga ipinamimigay na dengue kits.

Ilalapit din ng kalihim kay Pangulong Duterte na payagan silang mag-hire ng 500 surveillance officers na gagamitin sa 5-year monitoring ng DOH sa kalagayan ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,