DOE, nabigong mabigyan ng elektrisidad ang target na 450,000 indigent households noong 2018 – COA

by Erika Endraca | July 15, 2019 (Monday) | 4454

MANILA, Philippines – Nabigo umano ang Department of Energy (DOE) na mabigyan ng elektrisidad ang 450,000 na mahihirap na kabahayan sa buong bansa noong nakaraang taon.

Ayon sa 2018 report ng Commission on Audit (COA), sa target ng ahensya, mahigit 77,000 indigent households lamang ang nasuplayan ng kuryente.

Dagdag pa ng COA, sa halos P500 M lamang ng mahigit P1 B ng awarded contracts sa 78 Distribution Utilities (D-US) ang nabayaran ng ahensya.

Tingin ng COA, dahil umano iyon sa kakulangan sa public bidding sa pagbili ng mga serbisyo ng mga kwalipikadong D-Us.

Parte ang naturang programa ng national intensification household electrification program ng ahensya na inilunsad noong 2017 na may kabuoang badyet ng programa na P2.3 B.

Layon ng naturang programa na maikonekta ang lahat ng mga mahihirap na sangbahayan o indigent households na wala pang kuryente sa mga electric cooperatives o distribution utilities.

Nauna nang sinabi ni Energy Secretary Alfonso Cusi noong 2016 na layon ng ahensya na mabigyan ng elektrisidad ang isang daang porsyento ng bansa sa taong 2020.

Sa ngayon ay hinihintay pa ng Untv News and Rescue ang tugon ng DOE hinggil dito.

(Harlene Delgado | Untv News)

Tags: , ,