Pitumpu’t walong disqualification cases laban sa ilang nais tumakbo para sa 2019 midterm elections ang nakahain ngayon sa Commission on Elections (Comelec). Kasama dito ang kaso laban kay Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III.
Ayon sa kay Comelec Spokesperson James Jimenez, isa sa komplikadong issue ang disqualification case na inihain laban sa senador. Kailangan aniyang pag-aralan mabuti ang kaso bago magdesisyon dito ang poll body o kung kakailanganin pa itong iakyat sa Korte Suprema.
Sinampahan din ng dalawang magkahiwalay na disqualification cases si Senator Loren Legarda na tatakbong kongresista sa Antique. Kinukwestiyon ng mga petitioner ang residency ni Senator Legarda.
Naghain naman ng disqualification case si former Senator Mar Roxas laban sa isang Lemicio Jesus Roxas na tatakbo ring senador at posibleng makalito umano sa mga botante.
Samantala, nabusisi na rin ng Comelec ang 95 certificates of candidacy (COC) na posibleng madiskwalipika sa pagtakbo sa 2019 midterm elections.
Ayon kay Jimenez, aabutin ng isang buwan upang matapos ang pagdinig sa disqualification cases.
Pero bibigyan pa rin ng pagkakataon ang mga “nuisance candidate” na patunayang karapat-dapat silang mapabilang sa opisyal na listahan ng mga kandidato.
Patuloy naman ang pagsala ng Comelec sa nalalabing COCs na inihain ng mga senatorial at party-list aspirants.
Magsisimulanaman ang election period sa ika-12 ng Enero at tatagal hanggang ika-13 ng Hulyo 2019.
( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )