Discount sa gamot at subsidiya sa mahihirap, dapat maibigay sa 2019 – Laban Konsyumer

by Jeck Deocampo | December 26, 2018 (Wednesday) | 19084

METRO MANILA, Philippines – Mababawasan ang babayaran ng mga bumibili ng gamot para sa sakit na diabetes, hypertension at high cholesterol simula sa susunod na taon.

“Dito po sa TRAIN 1 na ito effective January 1, kapag ikaw ay may medical prescription sa gamot ng diabetes, hypertension, at mataas na cholesterol, kailangan less 12% VAT na ang babayaran niyo,” paliwanag ni
Laban Konsyumer President Atty. Vic Dimagiba.

Ngunit sa kabila ng mga subsidiya at diskwento sa ilalim ng TRAIN law, tutol pa rin ng grupo sa pagpapatupad nito. Anti-poor aniya ang batas dahil sa pagtaas ng mga bilihin lalo na ng produktong petrolyo.

Sa susunod na taon ay may panibagong dagdag na ₱2 sa kada litro ng langis dahil sa ipatutupad na second tranche ng excise tax sa langis.

“Lahat na ito na ginawa ng TRAIN 1, tingnan niyo po (na) mas maraming ginawang perwisyo lalo na doon sa 30% na tinatawag pong mahihirap na consumer dito po sa Pilipinas.”

Sa ngayon aniya ay hindi pa rin naibibigay ang lahat ng mga subsidiya gaya ng pantawid pasada para sa mga jeepney driver at operator.

Ayon naman sa grupong Pasang MASDA, nasa 10% pa sa kanilang mga kasamahan ang hindi pa nakakakuha ng ₱5,000 subsidiya para sa produktong petrolyo. Ito ay dahil hindi pa naililipat sa kanilang pangalan ang mga biniling unit.

“For those operators who did not get their card, siguro dapat pagbigayan pa rin natin sila dahil mga legitimate operator din na kagaya ko

Ayon sa Laban Konsyumer, mula sa ₱200 ay tataas na sa ₱300 kada buwan ang matatanggap ng 10 milyong lubhang mahihirap na pamilya na tinukoy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Dapat aniya ay may 10% discount din ang mga ito sa NFA rice at maging sa pamasahe sa pampublikong sasakyan.

Una nang sinabi ng pamahalaan na patuloy nilang tinutugunan ang pagbibigay ng ayuda sa mga sektor na apektado ng TRAIN law.

Sa ngayon, nakabinbin pa sa Korte Suprema ang petisyon ng grupo na ipatigil ang implementasyon ng nasabing batas.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , , ,